Lalong tumitindi ang tensyon sa Middle East matapos magbanta si U.S. President Donald Trump na wawasakin nito ang pinakamalaking gas field ng Iran kung hindi ito titigil sa pag-atake sa mga energy facility ng Qatar.
Ito’y matapos magsagawa ang Iran ng sunod-sunod na pag-atake sa mga oil at gas site sa Gulf region, kabilang na ang malaking Ras Laffan LNG facility ng Qatar, bilang ganti sa naunang pag-atake ng Israel sa South Pars gas field ng Iran.
Dahil sa palitan ng mga missile attack, tumaas ng humigit-kumulang 5% ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan ayon sa ilang report.
Nagdulot ito ng pangamba na maaaring maapektuhan ang suplay ng enerhiya sa buong mundo, lalo na’t naapektuhan din ang pag-pasok ng mga oil tanker sa Strait of Hormuz, na dinadaanan ng malaking bahagi ng suplay ng langis sa mundo.
Sa gitna ng tensyon, sinabi ni Trump na handang umatras ang Estados Unidos kung titigil ang Iran sa mga pag-atake. Ngunit kung hindi naman daw ay posibleng gumamit ng puwersa ang Amerika laban sa pangunahing gas field ng Iran.
“NO MORE ATTACKS WILL BE MADE BY ISRAEL pertaining to this extremely important and valuable South Pars Field unless Iran unwisely decides to attack a very innocent, in this case, Qatar – In which instance the United States of America, with or without the help or consent of Israel, will massively blow up the entirety of the South Pars Gas Field at an amount of strength and power that Iran has never seen or witnessed before. I do not want to authorize this level of violence and destruction because of the long term implications that it will have on the future of Iran, but if Qatar’s LNG is again attacked, I will not hesitate to do so,” ani Trump sa kanyang Truth Social.
Samantala, patuloy ang nangyayaring labanan sa pagitan ng U.S., Israel, at Iran, kung saan libo-libong katao na ang naiulat na nasawi. Kabilang dito ang matataas na opisyal ng Iran.
Hindi rin nakaligtas ang ibang bansa sa epekto ng kaguluhan. Sa Qatar, naapula ang mga sunog sa isang gas facility dulot ng missile attack ng Iran.
Habang sa Saudi Arabia, may mga drone na tinangkang umatake sa mga oil site, habang sa Israel at West Bank ay may mga nasawi rin dahil sa mga missile at debris na bumagsak.
Nanawagan naman ang ilang lider sa mundo, kabilang si French President Emmanuel Macron, na itigil na ang pag-atake sa mga sibilyan at mahahalagang imprastraktura sa rehiyon.
















