Nagbabala si US President Donald Trump na hindi palalagpasin ang mga planong protesta sa military parade sa Washington ngayong Sabado, na gaganapin bilang paggunita sa ika-250 anibersaryo ng US Army.
Ayon sa US Secret Service, inaasahan ang daan-daang libong dadalo sa parada sa National Mall. Ilan sa mga ahensyang magbabantay ay ang FBI, Metropolitan Police Department, at libu-libong law enforcement personnel mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Wala pa namang natatanggap na “credible threat” sa event.
Kumpirmado na rin na siyam na permits para sa protesta ang naaprubahan para sa parehong araw.
Binanggit din ni Trump ang desisyon niyang magpadala ng 4,000 National Guard troops at 700 Marines sa Los Angeles bilang tugon sa mga kilos-protesta kaugnay ng immigration raids. Bagama’t may pagtutol mula sa lokal na pamahalaan, iginiit ng presidente na kailangan ang deployment para mapanatili ang kaayusan.
Gaganapin ang Army parade kasabay ng ika-79 kaarawan ni Trump. Tampok dito ang isang enlistment ceremony na personal niyang pamumunuan.