-- Advertisements --

Inanunsyo ni U.S. President Donald Trump nitong Miyerkules, Abril 1, 2026 sa kanyang Truth Social post na humiling umano ng ceasefire ang Iran sa Estados Unidos, ngunit igigiit ng Washington na tatalima lamang sila kapag binuksan na ang Strait of Hormuz.

Ayon kay Trump,“Iran’s New Regime President, much less Radicalized and far more intelligent than his predecessors, has just asked the United States of America for a CEASEFIRE!.”

Ngunit mariing pinasinungalingan ng Iran ang pahayag ni Trump. Ayon sa tagapagsalita ng Ministry of Foreign Affairs ng Iran, ang alegasyon ng ceasefire request ay hindi totoo at walang basehan.

“At present there is no negotiation,” pahayag ni Iran Foreign Minister Abbas Araghchi sa isang panayam sa Al Jazeera.

Magugunitang ang bagong Supreme Leader ng Iran ay si Mojtaba Khamenei matapos masawi ang kanyang ama sa isang air strike noong nakaraang buwan, habang si Iranian President Masoud Pezeshkian ay nanunungkulan sa bansa simula noong Hulyo 2024.

Dagdag pa ni Trump, isasaalang-alang ng Estados Unidos ang ceasefire kapag ang Strait of Hormuz ay “open, free, and clear”, ngunit sa ngayon ay nagpapatuloy ang operasyon laban sa Iran.

Ang Strait of Hormuz ay isang makitid na daungan sa pagitan ng Persian Gulf at Arabian Sea na dinadaanan ng malaking porsyento ng global oil at gas shipments.

Ang pagbubukas o pagsara nito ay may malawakang epekto sa pandaigdigang ekonomiya at seguridad kung saan maalalang una nang nakaapekto ito sa Pilipinas nang mga serye ng big time oil price hike sa bansa kasabay ng pag-deklara ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ng State of National Energy Emergency.