-- Advertisements --

Kumpiyansa si US President Donald Trump na sapat ang bilang ng ventilators na gagamitin ng mga ospital sa oras na mas lalo pang lumobo ang bilang ng coronavirus cases sa Amerika.

Ayon kay Trump, nasa 10 kumpanya ang kasalukuyang tumutulong sa paggawa ng ventilators kung saan ang iba rito ay inaasahan na ipapadala sa ibang bansa na lubha ring apektado ng coronavirus pandemic.

Ang naturang medical device ang tutulong sa mga pasyente upang makahinga ng maayos.

Ipinagmalaki rin ng Republican president na milyon-milyong Amerikano na ang sumailalim sa COVID-19 testing.

Aniya, dapat daw ay i-congratulate ang kaniyang administrasyon dahil sa progreso na kanilang ginagawa para labanan ang virus.

Hindi rin nagpahuli si Trump na paringgan ang ilang US state governors dahil sa di-umano’y pagho-hoard ng mga ito ng medical equipment at pati na rin pagnanakaw ng mga face masks sa mga ospital.

Sa ngayon ay pumalo na sa 163,000 kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa habang 3,000 na ang naitalang patay.