Inanunsyo ni U.S. President Donald Trump noong Miyerkules (araw sa Amerika) na ang mga import mula sa mga bansang nagbibigay ng military weapons sa Iran ay kanilang papatawan ng 50% taripa, nang walang exception.
“A Country supplying Military Weapons to Iran will be immediately tariffed, on any and all goods sold to the United States of America, 50%, effective immediately. There will be no exclusions or exemptions!” ani Trump.
Ginawa ni Trump ang anunsyo sa kanyang Truth Social ilang oras matapos ang kasunduan sa dalawang linggong ceasefire sa Tehran.
Hindi tinukoy ni Trump kung aling legal authority ang kanyang gagamitin upang ipatupad ang taripa, matapos tanggalin ng Supreme Court of the United States noong Pebrero ang paggamit niya ng International Emergency Economic Powers Act (IEEPA) para magpataw ng malawakang global tariffs.
Dahil dito, iniutos ng mas mababang korte ang refund sa halagang humigit-kumulang $166 billion na nakolekta ng bansa sa loob ng isang taon.
Ang IEEPA law ay ginagamit na simula noong 1977 upang suportahan ang mga financial sanctions laban sa Iran, Russia, at North Korea, ngunit tinukoy ng korte na lumampas si Trump sa paggamit nito para sa trade tariffs.
Hindi rin tinukoy ng Amerika ang mga bansang posibleng patawan ng taripa, ngunit kilalang tumutulong ang China at Russia sa Iran sa pagpapalakas ng military capability nito, kabilang ang mga missile, air-defense systems, at teknolohiya para sa kanilang depensa laban sa U.S. at Israel.















