
Nanguna si Vice President Mike Pence sa pagpapaabot nang “well wishes” kina US President Donald Trump at First Lady Melania na sana ay maagang gumaling matapos magpostibo sa COVID-19.
Ayon kay Pence, siya at ang asawa niya ay kasama ng milyong mamamayan ng Amerika na nananalangin para sa paggaling ng Presidente.
“Karen and I send our love and prayers to our dear friends President @realDonaldTrump and @FLOTUS Melania Trump. We join millions across America praying for their full and swift recovery. God bless you President Trump & our wonderful First Lady Melania,” bahagi ng Twitter message ni Pence.
Ang resulta ng COVID test ng Presidente at first lady ng Amerika ay lumabas makaraang magpositibo rin sa deadly virus ang White House adviser na si Hope Hicks.
Samantala, tiniyak naman ng personal physician ni Trump na si Dr. Sean Conley, patuloy pa rin daw sa pagtatrabaho ang presidente habang nagpapagaling.
Sinabi pa ni Dr. Conley, todo ang kanilang pagtutok sa kalusugan ni President Trump kasama ang buong White House medical team.
Nagpasalamat naman ito sa pagbuhos ng suporta sa magagaling na medical professionals at institutions sa kanilang bansa.
Sa ngayon aniya maayos naman ang kalagayan ni Trump at Melania at mananatili sila White House para sa home quarantine.
“The President and First Lady are both well at this time, and they plan to remain at home within the White House during their convalescence,” bahagi pa ng statement ni Dr. Conley. “The White House medical team and I will maintain a vigilant watch, and I appreciate the support provided by some of our country’s greatest medical professionals and institutions.”
Una rito nagulantang ang maraming mamamayan sa Amerika at mga eksperto sa nangyari kay Trump lalo na at halos isang buwan na lamang ay US presidential elections na.
Nitong nakalipas na Miyerkules, nagkasama pa sa iisang stage sa Cleveland sina Trump at Biden para sa kanilang unang debate.
Dahil dito pinayuhan si Biden ng ilang eksperto na dapat magpa-COVID test pa rin dahil wala silang facemask, kahit nag-obserba pa ng physical distancing.
Sinasabing ang diagnosis kay Trump ay maituturing na seryosong banta sa isang American sitting president sa nakalipas na mga dekada.
Dahil sa 74-anyos na si Trump at overweight pa o obese, nabibilang tuloy ito sa highest risk category na maaaring mauwi sa seryosong komplikasyon.
Sa Amerika lamang mahigit na sa 200,000 ang namatay dahil sa COVID habang sa buong mundo naman lumampas na rin sa isang million ang death toll.
















