KALIBO, Aklan — Muling nadepensahan ng Vikings ang kanilang titulo sa Kalibo Ati Atihan festival street dancing competition sa tribal big category laban sa Black Beauty Boys, isang perennial champion na pumangalawa sa kompetisyon.
Mula 2020, ito ang ikalawang pagkakataon na natalo ng Vikings na nagmula sa bayan ng Makato ang Black Beauty Boys ng Linabuan Norte, Kalibo
Napanalunan nila ang P1-milyon na cash prize, ang pinakamalaking inilaang premyo sa kasaysayan ng Ati-Atihan contest.
Naging hataw sa kanilang performance noong Sabado ang Vikings sa pagsabak sa kompetisyon at napa-bilib rin ng mga ito ang judges sa kanilang makulay at magarbong costumes laban sa pitong iba pang tribung kalahok.
Nakuha rin ng Vikings ang tatlong minor awards, ang best in costume, best in beats and sounds at most discipline habang ang Black Beauty Boys ay may special award para sa best in street dancing.
Ayon kay Hark Tesorero, tribe leader ng Vikings simula ng sumali sila sa Ati-Atihan ng Kalibo ay todo ang kanilang pagsisikap na magkaroon ng disiplina at may panata sa Senor Sto. Niño ang grupo.
Samantala, iniuwi ng Black Beauty Boys ang P300,000 na cash prize.
Ang Maharlika tribe naman ang third place na may P170,000 na premyo.
Kabuuang P3.380-milyon ang inilaan ng Kalibo Ati-Atihan Festival Board ngayong taon para sa mga mananalo sa Kalibo Sadsad Ati-Atihan contest.
Ang iba pang kategorya ay Tribal Small, Modern Tribal at Balik Ati.