-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Muling nagsagawa ng Tree Growing Activity ang pamahalaang panlalawigan ng Cotabato bilang bahagi pa rin ng pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month.

Ang Tree Growing Activity inilunsad sa Brgy. Pisan, Kabacan Cotabato na isa sa mga itinuturing na tourist destination sa bayan.

Ang kaparehong aktibidad ay una nang isinagawa noong Hulyo 13 sa Brgy. Malabuan, Makilala at noong Hulyo 20 sa UK Peak, Brgy. Katalicanan, Aleosan kung saan abot sa 1,000 forest trees ang naitanim katuwang ang iba’t ibang government line agencies.

Ngayong araw, sa pangunguna ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office kasama ang Phippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices (MDRRMCs) at ilang volunteers abot sa 500 forest trees ang naitanim sa Brgy. Pisan na makakatulong sa pagpreserba sa ganda at natural na yaman ng lugar.

Sa kanyang mensahe, labis ang pasasalamat ni Kabacan Municipal Administrator Ben Guzman sa mga nakiisa sa aktibidad na aniya ay malaki ang maitutulong sa nararanasang global warming.

Bilang kinatawan ni Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza, nagpaabot naman ng kanyang mensahe si Board Member Jonathan Tabara kung saan binigyang diin nito na mahalaga ang kolaborasyon sa pagkamit ng isang malinis at maayos na kapaligiran.

Dagdag pa niya, kailangang magkaisa at gamitin ang pagkakataon upang mapreserba ang magandang likas na yaman ng probinsya para na rin sa kinabukasan ng susunod pang mga henerasyon.