-- Advertisements --
image 527

Inutusan ni Transportation Sec. ni Jaime Bautista ang Office of Transportation Security (OTS) na magsampa ng kaso laban sa security screener na inakusahan ng pagnanakaw at paglunok ng $300 mula sa isang papaalis na pasahero.

Noong Setyembre 8, isang checkpoint supervisor kasi ang nag-ulat na ang isang pasahero ay nawalan ng $300 sa Ninoy Aquino International Airport (Naia) Terminal 1.

Pagkatapos ay ipinakita sa CCTV footage ang isang babaeng security officer na nagnanakaw at nilunok ang nawawalang pera at uminom pa ng tubig.

Sa isang pahayag sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na inatasan na ni Bautista si Undersecretary for Legal Affairs Atty. Reinier Yebra na tumulong sa pagsasampa ng mga reklamo laban sa mga tauhan at mga sangkot sa insidente ng pagnanakaw.

Aniya, ang kalihim ay pinahintulutan na magpataw ng pinakamataas na parusa sa mga mapapatunayang nagkasala upang ipakita ang determinadong pagtulak ng kagawaran na alisin ang anumang ilegal na aktibidad sa paliparan.

Sa ngayon, inilagay na ng OTS ang mga tauhan sa ilalim ng preventive suspension, nakabinbing imbestigasyon, gayundin na nagrerekomenda na legal at administrative charges laban sa security screener.