
Makalipas ang mahabang panahon mula pa noong kasagsagan ng World War 2 ay iniulat ng ilang deep sea explorers na nadiskubre nito ang isang Japanese transport ship na tinatawag na Montevideo Maru sa bahagi ng West Philippine Sea na ginamt noong panahon ng digmaan.
Sa pagtataya ng mga eksperto, sinasabing pinalubog ng isang US submarine ang naturang barko noong Hulyo 1, 1942 nang hindi alam ng mga crew nito na may sakay itong mga bilanggo mula sa naturang digmaan.
Ang paglubog ng barkong Montevideo Maru ay sinasabing maituturing na worst maritime disaster ng Australia matapos ang pagkasawi ng tinatayang 979 Australian citizens kabilang na ang nasa 850 troopers nito.
Ayon sa maritime archaeology group Silentworld Foundation, namataan ang nasabing lumubog na barko sa lalim na mahigit apat na kilometro na may katumbas na 2.5 miles.
Sinasabing bukod sa mga Australians ay mayroon din itong sakay na iba pang sibilyan mula sa 13 pang iba’t-ibang mga bansa, na magdadala sa kabuuang bilang ng sakay nito na 1,060 katao na kapwa mga napaslang.
Samantala, batay sa ulat ay sinimulan ng mga explorer ang kanilang paghahanap sa naturang barko mula noong Abril 6, 2023 sa bahagi ng West Philippine Sea malapit sa isla ng Luzon gamit ang isang high-tech equipment kabilang na ang isang autonomous underwater vehicle na mayroon ding sonar.
Namataan ng mga ito ang Montevideo Maru 12 araw lamang matapos ang kanilang ikinasang operasyon para sa paghahanap ng nasbaing barko.










