
Inilunsad ang isang training program upang matulungan ang mga local exporter na palakasin ang industriya ng niyog sa bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) na ang mga exporter ng virgin coconut oil at coconut flour sa bansa ay sasailalim sa export marketing at market linkages training mula Abril hanggang Disyembre 2023 na dadaluhan ng 55 piling exporters, mga tagapagsanay at mga kinatawan ng pamahalaan.
Ang programang ito ay pinondohan sa ilalim ng proyekto ng pamahalaan na Arise Plus Philippines.
Inorganisa ito ng micro, small, and medium enterprises (MSMEs), DTI, Department of Agriculture (DA), Food and Drug Administration (FDA), Bureau of Customs (BOC), Department of Science and Technology (DOST) at ang pribadong sektor.
Ayon sa DTI, ang 30 mapipiling MSME ay makakatanggap ng technical support para makalikha ng isang export brand, makapaghanda para sa business deals at bumalangkas ng isang export marketing plan.
Tiwala ang ahensiya na ang pagsasanay na ito ay magiging instrumento sa pagkamit ng exporting breakthroughs para sa sektor ng niyog at magbubukas sa posibilidad na pag-export ng bansa ng nasabing produkto lalo na sa European Union.










