Binawasan na ngayon ng Korte Suprema ang kanilang operasyon kasunod na rin ng pinangangambahang pagkalat ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) dito sa Pilipinas.
Sa tatlong pahinang administrative order na pirmado ni Supreme Court (SC) Chief Justice Diosdado Peralta, ang adjustment o pagbabago sa trabaho sa Hudikatura ay epektibo na ngayong araw at magtatagal ito hanggang Abril 15.
Sinabi ng kataas-taasang hukuman na dahil pa rin sa ipinatutupad na community quarantine, magpapatupad ng pagbabawas ng operasyon sa lahat ng korte.
Ayon kay SC Spokesperson Brian Hosaka, lahat daw ng korte mula sa first level courts ay kailangang magtalaga muna ng skeletal force na siyang tutugon sa mga itinuturing mahahalagang kaso.
Maging ang night operation ng mga korte sa buong bansa ay suspendido na rin.
Ang operasyon naman ng mga korte ay mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon dahil na rin sa umiiral na curfew.
Suspendido na rin muna ang lahat ng pasok sa trabaho ng mga korte, court offices, divisions, sections at units kabilang na ang Korte Suprema hanggang Abril 15, 2020.
Kinansela rin ng SC ang lahat ng pagdinig sa korte sa buong bansa sa loob ng isang buwan maliban kung may mga urgent matters ang aasikasuhin gaya ng paglagak ng piyansa at Habeas Corpus petition.
Sa kabila nito, tiniyak ng SC na hindi magsasara ang mga korte sa bansa dahil may mandato ang mga ito sa taong bayan.