-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Mahigit sa 800,000 na turista ang dumating sa Isla ng Boracay sa unang anim na buwan ng taong kasalukuyan.

Lumabas sa tala ng Malay Municipal Tourism Office, umaabot na sa 849,047 ang mga turistang bumisita sa isla simula Enero hanggang Hunyo, 2022.

Sa nasabing bilang, 817,215 ang domestic tourists; 18,845 ang dayuhang turista habang 12,987 ang overseas Filipino workers o overseas Filipinos.

Sa buwan ng Mayo nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga turista sa gitna ng nararanasang pandemya na may 201,368 dahil sa “LoveBoracay” na kilala sa dating pangalan na LaBoracay.

Ito ay sinundan ng buwan ng Hunyo na may 193,650 na bisita; Abril na mayroong 186,751 at 150,597 noong Marso.

Sa mga buwan ng Pebrero at Enero nakapagtala ng mababang tourist arrivals na umabot lamang sa 80,882 at 35,799.

Samantala, inaasahang lalo pang tataas ang bilang ng mga turistang magbabakasyon sa Boracay matapos ang muling pagbalik ng international flights sa Kalibo International Airport at niluwagang travel restrictions.