Inilarawan ni House prosecutor at Iloilo Rep. Lorenz Defensor na “appetizer” pa lamang ang testimonya ng dalawang dating Government bank branch managers sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Ayon kay Defensor, kapwa inilarawan nina dating LandBank-Shaw branch manager Violeta Constantino at dating LandBank-DepEd branch manager Nenita Camposano bilang “unusual” ang pag-encash ng malalaking halaga ng tseke. Aniya, magsisilbi itong panimula sa mas marami pang ebidensyang ihaharap ng prosekusyon upang patunayan ang betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution.
Sa pagdinig, kinumpirma ni Constantino ang pag-encash ng apat na tseke ng Office of the Vice President na nagkakahalaga ng kabuuang P500 milyon, habang tumestigo naman si Camposano sa pag-encash ng tatlong tseke ng Department of Education na may kabuuang P112.5 milyon. Bahagi ang mga ito ng P612.5 milyong confidential funds na sinusuri sa impeachment trial.
Samantala, sinabi ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na hindi lamang ang halaga kundi pati ang paraan ng pag-encash ang kapansin-pansin. Aniya, ang regular na iskedyul, pare-parehong halaga, at maagang koordinasyon sa bangko ay nagpapakita ng isang malinaw na pattern na taliwas umano sa karaniwang operasyon ng intelligence funds. (report by Bombo Jai)
















