-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Mahaharap din sa kasong administratibo at kriminal ang dalawa pang mga third class cadets dahil sa pagmaltrato ng mga ito kay Cadet 4CL Darwin Dormitorio.

Ayon kay Police Regional Office Cordillera egional Director Pol. B/Gen. Israel Ephraim Dickson, suspek na ang dalawa dahil sa naging papel ng mga ito sa pagpapahirap kay Cadet Dormitorio kung saan sila ang gumamit ng flashlight with tazer.

Aniya, ang tazer ay gamit ng isa sa mga suspek partikular sa pribadong bahagi ng katawan ni Cadet Dormitorio at sila rin ang sumipa sa ulo nito.

Nangyari umano ang pagmaltrato sa silid ni Cadet Dormitorio.

Sinabi niya na isinuko ang mga kagamitan ng mga kadete, gabi ng September 18 matapos mamatay si Cadet Dormitorio bandang alas-5:00 ng madaling araw, kung saan doon narekober ang ginamit na flashlight with tazer.

Nananatili sa holding center ng Philippine Military Academy (PMA) ang dalawang bagong suspek na papangalanan lamang matapos maisampa ang kaukulang kaso.

Inamin din ni Dickson na lumalabas na may sequences ang insidente kung saan August 20 unang naospital si Dormitorio at naimbestigahan kung may pagmaltrato hanggang sa nairekomenda ang 1 year suspension ni Cadet 3CL Felix Lumbag at pagdeklarang off-limits ito sa mga plebo lalo na kay Dormitorio.

Sa ngayon, 14 na ang witnesses sa kaso ng pagmaltrato sa PMA kung saan 12 dito ay mga kadete at dalawa ang empleyado.

Una nang sinabi ni P/Col. Allen Rae Co, direktor ng Baguio City-Philippine National Police na nawala ni Cadet Dormitorio ang combat boots na ipinagkatiwala sa kanya ni Cadet 1CL Axl Rey Sanupao na naging dahilan para maltratuhin ito ngunit sinabi niya na posibleng na-misplace lamang ito.

Dagdag pa ni Dickson na posibleng sa Lunes, Setyembre 30 na isasampa ang kaso ngunit hinihintay pa nila ang pamilya ng biktimang kadete na manggagaling pa sa Cagayan De Oro.