Iaakyat na sa plenaryo ng Kamara ang panukalang batas na naglalayong ilibre sa buwis ang bakuna kontra COVID-19.
Ito ay matapos na aprubahan nitong hapon ng House Committee on Ways and means ang consolidated substitute bill ng House Bills No. 8301, 8324, 8375, 8376, at 8545.
Ayon sa chairman ng komite na si Albay Rep. Joey Sarte Salceda, makakatulong pa rin ang panukalang batas na ito kahit pa lagda na lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kailangan para maging ganap na batas ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act, na naglalaman din ng probisyon na nagtatakda ng exemption nang COVID-19 vaccines sa VAT at iba pang import duties.
Sinabi ni Salceda na bukas kasi sa iba’t ibang interpretasyon ang probisyon ng CREATE Act hinggil sa kung ang tax exemption ay para ba sa importers o para lamang sa mga registered enterprises.
“That is especially because we were only dealing with duty incentives in that bill. So, we want to make sure vaccines can be imported duty-free and without friction at the ports. That is why we are taking these bills up,” dagdag pa nito.
Binigyan diin ni Salceda na ang number one economic priority sa ngayon ay ang mabilis, efficient, at ligtas na delivery ng bakuna kontra COVID-19.
Kagaya nga ng sinabi aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte, aabot sa P20 billion ang nawawala sa economic output dahil sa delays sa COVID-19 vaccination.
Mas mahalaga aniyang maagapan ito kaysa naman sa revenue impact ng mga panukalang naglalayong ilibre sa buwis ang mga bakuna kontra COVID-19.










