-- Advertisements --
Bureau of Immigration

Nakatakda nang ipa-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong Chinese nationals na sangkot sa economic crimes sa kanilang bansa.

Ang mga banyaga ay naaresto ng mga operatiba ng Fugitive Search Unit (FSU) sa Brgy. Tambo sa Paranaque na si Cheung Wa, 56-anyos.

Sa isang statement, sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na si Cheung ay wanted ng Public Security Bureau of Fuding City dahil sa pagkakasangkot sa economic crimes sa China.

Lumalabas na nakapag-establish ito sa ilang investment companies na nakapambiktima ng 100 katao matapos magpapanggap na real estate company na nangangako ng mas mataas na interest rates.

Nakakulimbat ang suspek sa mga biktima ng nasa 40 Million Chinese Yuan o tinatayang nasa P326.5 million.

Kasama rin sa mga naaresto sa parehong araw ang mga Chinese nationals na sina Chau Mut Hing, 63 at Zhang Yi, 50.

Ang dalawa ay naaresto sa New Seaside Drive sa Parañaque City.

Sinabi ni Tansingco na ang dalawa ay subject ng arrest warrants na inisyu noong buwan ng Disyembre ng prosecutor’s offices sa Yangzhou, Jiangsu province at Shanghai City.

Inakusahan ang mga itong mga miyembro ng sindikato na sangkot sa oil smuggling at production ng counterfeit commodities.

Sa ngayon, sinabi ni Bureau of Immigration-Fugitive Search Unit Chief Rendell Ryan Sy na ang tatlong pugante ay agad dinala sa pasilidad sa Bicutan, Taguig City at dito muna sila mananatili habang hinihintay ang kanilang deportation documents.