-- Advertisements --

Sinimulan na ng pamunuan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-Davao (BFAR-11) ang pagpapatupad ng tatlong buwan na closed fishing season sa Davao Gulf.

Sinimulan ang naturang kautusan noong June 1 habang nakatakda itong magtapos sa August 31 ng kasalukuyang taon.

Ayon kay BFAR-11 Fisheries Management and Regulatory Enforcement Division chief Elaine Vera Belvis, sa loob ng naturang panahon, ipagbabawal ang panghuhuli ng isda sa naturang lugar.

Layon ng hakbang na ito na maprotektahan ang small pelagic fish species at matiyak na manunumbalik muli ang dami ng isda na nahuhuli sa katubigan ng rehiyon.

Kabilang sa mga ipinagbabawal na hulihin ay mga big-eyed scad (matang baka), mackerel (alumahan), at round scad (galunggong).

Batay sa pag-aaral, nakatutulong aniya ang ganitong hakbang upang magkaroon muli ng reproduction ang mga isda.

Ang fishing ban ay ipinatupad sa bisa ng Department of Agriculture-Department of the Interior and Local Government (DA-DILG) joint administrative order .

Sinumang mahuhuling lumabag dito ay magmumulta ng aabot sa P20,000 to P500,000, pagkakakulong , pagkumpiska ng mga fishing equipment o kaya naman ay pagtanggal ng lisensya sa pangingisda.