Sinimulan na ng Tariff Commission ang public hearing sa mandatoryong pag-review ng Executive Order 12 na nagbibigay ng mas mababang taripa para sa electric vehicles at kanilang components maliban sa electric motorcycles.
Una ng pinayagan ng komisyon sa pagdinig noong Marso 13 ang interested parties na magpresenta ng kanilang ebidensiya bilang suporta ng kanilang posisyon kabilang ang posibleng pagpapalawig ng product coverage.
Ang interested parties ay binigyan ng pagkakataong makapagsumite ng kanilang position papers hanggang ngayong araw na lang Marso 18.
Nauna na ngang umapela ang National Economic and Development Authority (NEDA) sa publiko na makilahok sa public hearing na idaraos ng Tariff Commission at magbahagi ng kanilang insights sa posibleng pagsama ng electric motorcycles sa listahan ng e-vehicles na may mababang taripa.
Ang EO 12 ay pinagtibay para sa pagbuo ng Electric Vehicle Industry Development Act para makalikha ng isang industriya para sa e-vehicles sa bansa at makatulong na mabawasan ang carbon emissions bilang pagtalima sa commitment ng PH sa Paris agreement.
Sa kasalukuyan, ang e-motorcycles o 2-wheeled e-vehicles na may maximum speed na mahigit 25 kilometers per hour ay subject pa sa 30% tariff rate.