-- Advertisements --

Nagbabala ngayon si Bureau of Customs (BoC) Commissioner Rey Guerrero sa mga gumagamit ng kanyang pangalan para ipangolekta ng pera para mailusot ang kanilang kargamento sa Customs.

Binigyang diin ni Guerrero na hindi siya tumanggap at hindi tatanggap ng suhol kanino man kaya malinis aniya ang kanyang konsensiya para banggain ang mga tiwali sa BoC.

Kasabay nito, sinabi ni Guerrero na mahigpit pa rin nilang ipatutupad ang “no gift policy” sa kanilang personnel.

Aminado naman ang Customs chief na umiiral pa rin ang tara system o ang mga padulas at suhulan sa kawanihan.

Bagamat hindi na makapagbigay ng figures si Guerrero kung magkano ang bigayan sa tara system ngayon pero ang malinaw aniya na mayroon pa ring ganitong sistema dahil may mga naririnig pa rin siyang reklamo patungkol dito.

Pero ipinagmalaki naman ni Guerrero na sa kabila ng may mga nagpapalusot pa rin sa pamamagitan ng tara ay gumanda naman ang koleksyon ng BoC sa nakalipas na mga buwan.