Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment ang mga private firms na ibigay ang nararapat na sahod sa mga manggagawang papasok sa June 12, Independence Day.
Nakasaad sa Labor Advisory no. 13, S2023 na inisyu ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma, na kung hindi papasok ang mga empleyado sa araw na iyon, kailangan pa rin silang mabayaran ng 100% ng kanilang sahod.
200% o dobleng sahod naman ang matatamasa ng mga empleyadong papasok sa kanilang duty, at magtatrabaho sa loob ng regular na 8 hrs.
Kung nagtrabaho ang isang empleyado sa araw na iyon, at nataon ding rest day nito, mayroon pang 30% na maidadagdag sa 200% na kanyang matatanggap mula sa kumpanya.
Kung mag-overtime naman ang empleyado sa araw na iyon, at nataon ding rest day nito, maging ang hourly rate ay kailangan ding i-multiply sa 200% ng sahod, kasama na ang 30% rate sa kanyang rest day, at kung ilang oras ito nagtrabaho.
Sa araw ng Lunes, Hunyo-12, ay ipagdiriwang ang ika-125 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng bansa.