Ibinunyag ngayon ng sinasabing middleman na nag-facilitate sa planong pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid na nasaktan umano ang suspendidong si Bureau of Corrections chief Gerald Bantag sa mga naging komentaryo laban sa kanya.
Ito umano ang ipinaabot ni Cristito Villamor Palaña kay Joel Escorial na umaming gunmna sa krimen.
Partikular daw na nasaktan si Bantag sa mga komentaryo ni Lapid sa bahay at mga sasakyan ni Bantag.
Kahapon nang nanawagan naman si Department of Justice (DoJ) Sec. Jesus Boying Remulla kay datin Bureau of Corrections Director General Gerald Bantag at Deputy Security Officer Ricardo S. Zulueta na magpartisipa o magcooperate ang mga ito sa isinagawang preliminary investigation ng DOJ kaugnay sa mga isinampang reklamo laban sa kanila.
Hinamon pa ng kalihim si Bantag na kung talagang wala siyang kasalanan humarap siya at sabihin ang lahat ng kanyang saloobin sa investigating prosecutor sa pagmamagitan ng paghahain ng kanyang kontra Salaysay.
Sinabi pa ng kalihim na hindi na nangangailangan ng immigration lookout bulletin order (ILBO) laban kina Bantag at Zulueta dahil mga government officials naman ang mga suspek.
Subalit iniutos naman ng kalihim ang pagproseso ng kagawaran ng katarungan ang paghahain ng prosecutionary hold departure order sa korte laban sa mga suspek.