Tiniyak ng Department of Energy (DoE) na sapat ang suplay ng kuryente dalawang linggo bago ang halalan sa Mayo 9.
Ayon kay DoE Usec. Gerardo Erguiza Jr., sa ngayon ay wala raw silang nakikitang problema sa suplay ng kuryente sa buong bansa.
Karaniwan kasing numinipis ang suplay ng kuryente pagdating ng summer dahil tumataas ang demand nito bunsod ng mainit na panahon.
Wala rin umano silang nakikitang kakulangan sa reserba sa unang tatlong linggo ng Mayo at sakop dito ang May 9 elections.
Sa panahon ng halalan sa ilalim ng automated election ay kailangan ng sapat na suplay ng kuryente dahil ang mga vote counting machine na gagamitin ay nangangailangan ng elektrisidad.
Kailangan din ito para sa transmission ng mga elections result na kailangan din ang kuryente.
Una rito, sinabi ni DOE Electric Power Industry Management Bureau Director Mario Marasigan, na malamang na hindi magtaas ng yellow alerts na nangangahulugan ng pagnipis ng reserba sa power grid mula weeks 18 hanggang 20 linggo ng mga unang buwan ng taon.
Nilinaw ng Energy department, na ang yellow alerts ay hindi magbubunsod ng power outages.Ang nabanggit na alerts ay nagiging red alerts kapag lumala ang supply-demand balance.
Kapag nakataas ang red alerts ay saka pa lamang nagkakaroon ng rotating power interruptions.
Sakaling makaranas daw ng pagnipis ng suplay sa araw mismo ng halalan ay nakatakda namang magtutulong-tulong ang DoE at mga miyembro ng task force para agad na tugunan ang mga isyu na may kinalaman sa kuryente.