NAGA CITY – Pinaniniwalaang ginahasa bago pinatay sa loob ng kanilang bahay ang isang Health Maintenance Organization (HMO) supervisor sa Camaligan, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Ressian Bechayda, 31-anyos, tagapangasiwa ng HMO sa Bicol Access Health Center, Naga City at residente ng Barangay Marupit, sa nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay P/Cpl. Jennifer Bables, tagapagsalita ng Camaligan Municipal Police Station, sinabi nito na natagpuan na lamang ang biktima ng mismong asawa nito sa loob ng kanilang bahay na wala ng pang-ibabang kasuotan at may tama pa sa kanyang leeg.
Nabatid na miyembro ng Philippine Army ang mister ng biktima kaya madalas ay wala sa kanilang inuupahang apartment.
Kaugnay nito ayon kay Bables, nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon hinggil sa naging motibo sa krimen gayundin ang identity ng suspek.
Una nang sinabi ng pamilya nito na wala naman silang natatandaan na posibleng nakaalitan ng biktima.
Sa ngayon, isinailalim na rin sa otopsiya ang bangkay ng HMO supervisor habang mayroon na ring tinitingnang person of interest ang mga otoridad.










