Asahang magiging kakaiba ang idaraos na Super Bowl o ang taunang championship game ng National Football League (NFL) sa February 7 o araw pa ng Lunes (Manila time).
Nabatid na tuloy pa rin ang naturang pinakamalaking sporting event ng Amerika na napiling isagawa sa Raymond James Stadium sa Tampa Bay, Florida.
Gayunman, nagbabala na ang mga public health officials sa nasabing lungsod sa Florida na dapat ay tumalima sa basic health and safety protocols para sa Coronavirus Disease (COVID) pandemic.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention ng US, ‘yaong mga nagpaplanong dumalo sa malalaking watch parties ay bawal maghiyawan at hindi rin dapat magsabay-sabay sa paggamit ng banyo sa “high-traffic times.”
Para naman sa mga local businesses sa Tampa, Florida, obligado ang mga ito na sundin ang safety standards kaysa ang nakagawiang “super-sized” activities para sabayan ang buhos ng NFL fanatics.
“As difficult as that is, at least this time around, just lay low and cool it,” saad ni Dr. Anthony Fauci na sikat na US infectious disease specialist.
Nabatid na limitado lang ang pinayagan sa venue, kung saan mula sa sa 65,890 capacity, nasa 30,000 cut-outs at 25,000 fans lamang ang makakapanood kabilang na ang 7,500 nabakunahang healthcare workers na umano’y nakatanggap ng libreng tickets.
Una nang naiulat na ang Canadian singer na The Weeknd ang bida sa Halftime Show ng Super Bowl 55.
Noong nakaraang taon ay tila showdown sa Halftime Show ang Latina superstars na sina Shakira at Jennifer Lopez.
Tinanghal na kampeon sa 2020 Super Bowl ang Kansas City Chiefs sa pamamagitan ng comeback victory laban sa San Francisco 49ers sa score na 31-20.
Ito ang unang pagkampeon ng Kansas City makalipas ang 50 taon.
Kung maaalala, ang Halftime Show ng Super Bowl ang tila mas higit na inaabangan kaysa sa mismong laro. (USAToday photo / BBC)