Inihayag ng Bureau of Fire Protection na aksidente lamang ang sanhi ng sumiklab na apoy sa Manila Central Post Office na tumupok sa gusali nito.
Ayon sa bureau, ito ang lumabas sa kanilang isinagawang imbestigasyon hinggil sa naturang insidente.
Sa ulat, sa isang sumabog na uminit na discharged car battery nagsimula ang pagliyab ng apoy na nakahawa sa iba pang combustible materials na kasama nito sa Mega Manila Storage Room kung saan nakatambak din ang mga office supplies, thinner, at pintura.
Dahil sa resultang ito ng imbestigasyon ng BFP sa pinagmulan ng sunog sa Manila Central Post Office ay ikinokonsidera na itong “case closed” ng mga otoridad.
Samantala, sa bukod na pahayag naman ay sinabi ni Philippine Postal Corporation Postmaster General Luis Carlos na tinatanggap nila ang resulta ng imbestigasyon ng BFP hinggil sa naturang insidente.
Sa ngayon ay sesentro na lamang ng PHLPost ang kanilang operasyon sa recovery at rehabilitation ng nasunog na makasaysayang gusali nito.