-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang sunod-sunod na pag-agos ng pyroclastic density currents (PDCs) o uson sa Bulkang Mayon nitong Mayo 2–3, 2026, partikular sa Mi-isi Gully sa southwestern slopes.

Kasabay nito, iniulat ng Office of Civil Defense (OCD) na umabot na sa 52 barangay sa Albay ang apektado ng ashfall mula sa patuloy na aktibidad ng bulkan.

Ayon kay PHIVOLCS Director Dr. Teresito Bacolcol, nagsimula ang serye ng aktibidad bandang alas-4:28 ng hapon, Mayo 2, nang magkaroon ng lava effusion sa summit na nagdulot ng collapse at nag-generate ng pinakamalaking PDCs mula nang itaas sa Alert Level 3 ang Mayon.

Tinatayang umabot sa 4 kilometro ang haba ng inilabas na uson, na nagdulot ng makapal na abo sa mga bayan ng Camalig, Guinobatan, Daraga, at Legazpi City.

Sa loob ng 24 oras, naitala ang 25 volcanic tremors, 284 rockfall events, at 14 PDC signals, habang umabot sa 1,586 tonelada kada araw ang Sulfur Dioxide (SO₂) flux.

Patuloy rin ang pagdaloy ng lava sa Basud, Bonga, at Mi-isi gullies.

Dahil sa ashfall, pinapayuhan ang mga residente na manatili sa loob ng bahay, gumamit ng protective masks, at tiyaking nakatakip ang pagkain at tubig upang maiwasan ang kontaminasyon.

Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6 km Permanent Danger Zone (PDZ) habang nananatili sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon.

Patuloy ang koordinasyon ng OCD, PHIVOLCS, at lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan.

Nakaantabay na rin ang mga disaster response teams para sa posibleng paglikas kung lalala pa ang aktibidad ng bulkan.