CENTRAL MINDANAO – Patay ang isang sundalo sa pamamaril sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang biktima na si Cpl. James Earl, 31, may asawa at residente ng Pigcawayan, North Cotabato.
Ayon sa ulat ng pulisya sakay ang biktima sa kanyang motorsiklo mula sa 6th ID headquarters pauwi na sa kanyang bahay ngunit pagsapit nito sa Brgy Rebuken, Sultan Kudarat, Maguindanao ay bigla itong dinikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek habang agad binawian ng buhay si CPL Earl nang magtamo ng tama ng bala sa ulo at likod.
Grupo ng liquidation squad ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang itinurong suspek sa pamamaril sa biktima na patuloy ngayong iniimbestigahan ng Sultan Kudarat PNP.










