-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nasawi ang 21-anyos na kasapi ng Armed Forces of the Philippine (AFP) matapos sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa isang sasakyan sa provincial road na bahagi ng San Manuel, Naguilian, Isabela.

Isang black Yamaha Mio Aerox 155 ang minaneho ng nasawing sundalo na si Than Josua Mayor, residente ng Bitabian, San Mariano, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan ang nabangga ng motorsiklo ng biktima ay isang silver Suzuki S-Presso na minaneho ni Rheymark Rodriguez, 17-anyos, estudyante, residente ng Minanga, San Maniano, Isabela at sakay sina sina John Rafael at Jhon Lloyd, pawang mga estudyante at residente ng San Mariano, Isabela.

Sa pagsisiyasat ng Naguillian Police Station, patungo sa Villapaz, Naguilian, Isabela ang sasakyang minaneho ni Rodriguez habang patungo sa kasalungat na direksyon ang biktima.

Umagaw umano ng linya si Mayor at nagkamali ng pagtantya sa kanyang motosiklo kaya sumalpok sa paparating na sasakyan.

Tumilapon din ang helmet ng biktima dahil sa banggaan.

Dinala pa sa isang pribadong pagamutan sa lunsod ng Ilagan ang sundalo ngunit nasawi habang nilalapatan ng lunas.

Nagtamo naman ng galos sa mga katawan ang mga binatilyong sakay ng nabanggang sasakyan at nagtamo naman ng matinding sira ang mga sasakyan na sangkot sa aksidente.