KORONADAL CITY – Patuloy ang pagtugis ng militar sa mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Dawlah Islamiya Terror Group sa ilang bahagi ng Maguindanao matapos ang nangyaring engkwentro na ikinasawi ng isang sundalo at ikinasugat ng anim na iba pa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay 6th Infantry Division Philippine Army spokesperson Major Homer Estolas, sinabi nitong sumabog ang isang improvised explosive device sa bahagi ng Brgy. Malingaw, Shariff Aguak habang nagsasagawa ng counterterrorism operations ang 33rd IB at 1st Mechanized Infantry Battalion.
Sugatan sa nasabing pagsabog sina PFC Jessie Steve Polinar, Pvt. John Mrk Alagos, Pvt. Jebboy Borgonios at Pvt Joel Rey Bacol.
Samantala tinamaan naman sa dibdib si PFC Danny Semillano sa Brgy Pamalian, Shariff Saydona Mustapha sa nangyaring engkwentro.
Sugatan rin sa IED explosion si Cpl. Alvin Samama sa bahagi ng Brgy Pikeg, Shariff Saydona Mustapha.
Habang nasawi naman si Cpl. Ronald Devalid sa hiwalay na sagupaan laban sa BIFF sa Sitio Tatapan, Brgy Kitango, Datu Saudi Ampatuan.
Ayon kay Estolas, tiniyak ni 6th ID Commander at Joint Task Force Central Commander Major Gen. Diosdado Carreon na magpapatuloy ang pagtugis at pag-neutralize sa nasabing mga grupo partikular na sa Maguindanao.