Nakatakda nang ilabas sa mga susunod na araw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang resulta ng DNA (deoxyribonucleic acid) ng umano’y dalawang suicide bombers na nanguna sa pagsalakay sa kampo ng militar nitong June 28, 2019 sa Barangay Kajatian, Indanan, Sulu.
Ito’y matapos kumpirmahin ni Western Mindanao Command (WesMinCom) commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana na may resulta na sa isinagawang DNA testing sa dalawang suicide bombers na umano’y isang Filipino at ang isa ay batang banyaga.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Sobejana, kaniyang sinabi na inabisuhan na niya si Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of Staff Gen. Benjamin Madrigal na lumabas na ang resulta ng DNA test na pinangunahan ng Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory.
Pero nakiusap muna si Sobejana na ‘wag muna ilalahad sa media ang resulta dahil may mga proseso pa silang gagawin kung saan pag-uusapan pa ito ng mga opisyal ng AFP.
Aminado si Sobejana na hindi nila inasahan na mapapabilis ang paglabas ng resulta pero siya ay natutuwa dahil may kakayahan na ang PNP Crime Lab sa mga ganitong proseso na malaking tulong sa mga isinasagawang imbestigasyon.
“All the while akala ko nga ang US counterpart namin ang gumawa ng DNA testing pero meron na palang capability ang PNP Crime Lab kaya napabilis ang result. So accordingly meron na daw, ‘yun nga lang hindi ko hawak ‘yung result kaya wala pa ako pinanghahawakan.. pero nireport ko na sa higher headquarters informing them informally na mayroon nang lumabas na DNA result,” ani Sobejana.
Una nang kumuha ng DNA sample ang PNP-Scene of the Crime Operatives sa dalawang suicide bombers.
Layunin nito na matukoy kung ang unang bomber ay anak ng umangkin na ginang sa Sulu na isang Filipino, at ang pangalawang batang bomber na inaalam kung anak nga ito ng Moroccan bomber na nagpasabog naman sa Lamitan, Basilan.









