Aabot sa 12 katao ang nasawi habang dose-dosenang iba pa ang nasugatan matapos sumabog ang isang suicide bomber sa isang Shia mosque sa Islamabad nitong Biyernes, sa gitna ng isinasagawang panalangin ng mga deboto.
Ayon sa ulat, sumabog ang attacker sa gate ng mosque, dahilan para magpadala ng emergency response sa buong kabisera.
Agad na rumesponde ang pulisya at rescue teams, at isinara ang mga kalapit na lugar.
Naitala naman ang high alert sa mga ospital.
Sa ngayon ‘wala pang grupo ang nagpahayag na responsable sa insidente.
Kinumpirma naman ng Pakistan Institute of Medical Sciences na ipinatupad agad nila ang emergency protocols, kasama ang iba pang mga departamento nito tulad ng trauma, orthopedics, burn care, at neurology na nasa full alert na.
Isinara rin ng seguridad ang mga karatig na lugar at pinaigting ang surveillance upang bantayan ang posibleng kahina-hinalang pag-kilos ng grupo.
Maalala na noong Nobyembre 11, 2025, isang suiside blast ang naganap sa isang district at sessions court sa G-11 sector ng Islamabad, na ikinasawi rin ng 12 katao at ikinasugat ng higit 30.
Noong panahong iyon, inakusahan ng Pakistan ang India sa pag-atake, isang alegasyon na mariing itinanggi ng New Delhi.
Ayon kay Randhir Jaiswal, tagapagsalita ng Indian foreign ministry, ginagamit ng Pakistan ang mga ganitong kuwento upang ilihis ang pansin mula sa sariling political instability at internal power struggles.













