Hinatulan ng Oslo District Court si Marius Borg Høiby, stepson ni Crown Prince Haakon ng Norway, ng apat na taong pagkakakulong matapos mapatunayang guilty sa kasong rape, domestic violence, at iba pang krimen.
Sa desisyong inilabas nitong Lunes matapos ang pitong linggong paglilitis, napatunayang guilty si Høiby sa 34 na 40 kaso laban sa kanya, kabilang ang dalawang kaso ng rape at ilang insidente ng pananakit sa dating kasintahan.
Isa sa mga kaso ng rape ay naganap umano sa basement ng tirahan ng Crown Prince.
Ayon sa korte, hindi nakapagsalita o nakalaban ang isa sa mga biktima dahil sa kanyang kondisyon nang mangyari ang insidente.
Bukod sa rape at pananakit, napatunayang guilty rin si Høiby sa drug possession at distribution, pati na rin sa paglabag sa restraining orders at iba pang kaso. Gayunpaman, siya ay na-acquit sa dalawang iba pang rape charges.
Sa paglilitis, lumabas ang mga ebidensya kabilang ang electronic messages, video recordings, at testimonya na nag-uugnay sa kanya sa paggamit ng droga at marahas na pag-uugali.
Balak naman i-apela ng kampo ni Høiby ang desisyon ng korte.
Ayon sa prosekusyon, ang kaso ay patunay na walang sinuman—anuman ang katayuan sa lipunan—ang nakalalampas sa batas.
Hindi na nagbigay ng pahayag ang Norwegian royal household at sinabi nilang hawak na ng korte ang kaso.
Si Høiby ay walang opisyal na titulo o tungkulin sa royal family, ngunit ang kaso ay nagdulot ng malaking kontrobersiya sa Norway at nakaapekto sa imahe ng Royal family.










