-- Advertisements --

Muling sasabak sa ring ang Filipino MMA fighter na si Stephen Loman matapos ang tatlong taon na pamamahinga.

Sa Setyembre-5, haharapin ni Loman ang Georgian fighter na si Lasha Abramishvili sa ilalim ng Brave Combat Federation. Ang naturang laban ay magsisilbing co-main event sa ilalim ng Brave Combat Federation 108 Event.

Ito ang unang pagkakataon na kakatawanin ni Loman ang Lions Nation MMA matapos ang kaniyang paglipat ng koponan.

Dating hawak ni Loman ang record na undefeated champion dahil sa kaniyang 9-0 record at nakuha ang BRAVE CF Bantamweight Champion title.

Nagawa din niyang depensahan ang naturang titulo sa loob ng limang magkakasunod na laban.

Gayonpaman, lumipat siya sa One Championship kaya’t binakante niya ang naturang titulo hanggang sa muling nagdesisyon na babalik sa Brave CF.

Sa kabilang banda, hawak naman ni Abramishvili ang 12 panalo kung saan siyam rito ay pawang mga KO habang isa ang via submission.

Sa nakalipas na tatlong taon, pawang naipanalo niya ang kaniyang huling pitong laban.