-- Advertisements --

Asahan daw na babawi sa kanyang performance ang NBA superstar na si Steph Curry sa Game 6 sa Biyernes ng NBA Finals na inalat sa kanyang maraming tira kahit panalo ang Golden State Warriors laban sa Boston Celtics.

Kung maalala nagtala lamang ng 16 points si Curry at nabokya sa lahat ng kanyang siyam na tira sa three point area.

Ayon sa veteran player ng Warriors na si Draymond Green, hindi man masyadong nakaporma sa kanyang mga tira si Curry, malaking tulong naman ang nagawa ng kanyang mga teammates.

Dahil dito asahan na raw na babawi at magpapakitang gilas si Curry sa Game 6 doon sa homecourt ng Boston lalo na at isang panalo na lang ang kanilang kailangan upang magkampeon.

“He’s going to be livid going into Game 6 and that’s exactly what we need,” ani Green.

Para naman sa coach ng Celtics inamin ni Ime Udoka na maganda ang kanilang depensa na inilatag kay Curry upang limitahan ito sa puntos, pero dapat din daw gawin nila ito sa iba pang mga players ng Warriors sa Game 6.

Aniya, nang mabantayan nila ito mistulang nalipat naman sa ibang players ng Warriors ang point production na ginagawa ni Curry.

“But we have to do it on the others,” giit pa ni Udoka.