
Bumuo ngayon ng Station Special Investigation Team o SSIT “Montawal” ang Philippine National Police para tutukan ang imbestigasyon sa nangyaring pananambang ng isang riding in tandem sa alkalde ng Datu Montawal, Maguindanao del Sur na si Mayor Ohto Montawal.
Ito ay alinsunod sa ipinag-utos ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. kasunod ng kaniyang mariing pagkondena sa naganap na ambush incident sa alkalde sa bahagi ng Pasay City.
Sa isang pahayag ay sinabi ng kalihim na sa ngayon ay masusi na niyang pinaiimbestigahan sa pulisya ang nasabing krimen na nangyari nitong Miyerkules, Pebrero 22, 2023, ilang araw lamang matapos ang pamamaslang kay Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda sa Nueva Vizcaya.
Aniya, ang binuong team ngayon ng pulisya ay inatasang tugisin ang mga salaring responsable sa naturang pananambang at alamin ang posibleng motibo nito sa paggawa ng naturang krimen sa tulong na rin ng ilang testigong lumutang para ilahad ang kanilang mga nasaksihan.
Bukod dito ay ipinag-utos na rin ni Abalos sa kapulisan na dagdagan at higpitan pa ng mga ito ang pagbabantay at ibinibigay na seguridad kay Mayor Montawal upang tiyakin ang kaniyang kaligtasan mula sa anumang pagtatangka sa kaniyang buhay.
Samantala, tiniyak naman ng opisyal na ginagawa ng Pambansang Pulisya ang lahat para tukuyin at hulihin ang mga suspek sa naturang krimen kasabay ng pagbibigay-diin na hindi aniya titigil ang buong hanay nito hangga’t hindi nila nasusukol ang mga salarin sa naturang kaso.









