-- Advertisements --

DAVAO CITY- I-dineklara na ang state of calamity sa Don Marcelino, Davao Occidental matapos tinamaan ang mga alagang baboy dito ng African swine fever (ASF).

Kung maaalala umabot na sa 2,800 na mga alagang baboy ang naitalang namatay sa naturang sakit.

Base dito, ipinagbawal na rin ang pagtitinda ng karneng baboy sa palengke ng Don Marcelino na ngayon ay tahimik na at wala ng nakadisplay na karneng baboy matapos ipinagbawal na ng Department of Agriculture (DA) ng municipal office ang pagbebenta ng karne ng baboy sa kanilang palengke.

Nababatid rin na nasa mahigit 4,000 na mga baboy ang itinakdang sabay-sabay na kakatayin upang mapigilan ang pagkalat ng naturang sakit ng hayop.

Habang, tiniyak naman ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar na nakahanda ang ahensya na tulungan ang mga hog raisers sa lalawigan ng Davao Occidental na apektado ng African Swine Fever.

Ipinangako rin nito na asahan umano na mapipigilan na ang pagkalat ng ASF dahil sa ipinatupad na lockdown sa lalawigan upang hindi na makatawid pa ang naturang sakit sa ibang lugar sa rehiyon ng Davao.