Patuloy na sasakupin at aangkinin ng mga protesters sa Sri Lanka ang tirahan ng pangulo at prime minister ng kanilang bansa hanggang sa tuluyan nang magbitiw ang mga ito sa kanilang mga puwesto.
Ipinahayag ito ni Ruwanthie de Chickera, isang playwright, screen writer, theatre director at cultural activist, kasama ang iba pang mga pinuno ng nasabing kilos-protesta isang araw matapos na sumang-ayon ang dalawang mataas na opisyal na bumaba na sa kanilang mga posisyon at umalis sa nasabing bansa.
Sa isang televised statement ay iniulat ni parliamentary speaker Mahinda Abeywardana na sinabi ni Sri Lankan President Gotabaya Rajapaska na sa Hulyo 13 siya nakatakdang magbitiw upang matiyak na magiging mapayapa ang transition nito.
Habang tinipon naman ni Prime Minister Ranil Wickremesinghe ang iba pang polictical leaders at sinabing handa rin aniya siyang bumaba sa kaniyang pwesto upang magbigay daan sa pagkakaisa sa kanilang pamahalaan at bansa.
Una rito ay tumakas sa kaniyang official residence ang Sri Lankan president sa proteksyon ng navy matapos itong lusubin ng libu-libong nagpo-protesta.
Hindi rin nakaligtas ang pribadong tahanan ni Prime Minister Wickremesinghe sa Colombo nang sunugin din nila ito.
Wala namang napaulat na nasaktan mula sa naturang insidente dahil wala sa bahay ang prime minister at pamilya nito noong mga oras na iyon.
Samantala, pansamantala namang mamumuno sa bansa ang speaker ng Sri Lanka habang hindi pa nakakapaghalal ng bagong pinuno ang Parliament ito sa loob ng 30 araw.
Magugunita na ilang buwang nagdusa ang mamamayan ng Sri Lanka dahil sa kakulangan ng mga pangunahing bilihin, pagkawala ng kuryente, at mabilis na inflation matapos na maubusan ng foreign currency ang kanilang bansa para mag-import ng kanilang pangangailangan.










