-- Advertisements --

Itinabla ng San Antonio Spurs ang serye ng laban sa Minnesota Timberwolves matapos tambakan ang huli ng 38 points, 133-95.

Isang dominanteng opensa ang ginawa ng Spurs mula simula hanggang matapos ang laban sa pamamagitan ng team effort kung saan pare-parehong kumamada ng double-digit scores ang mga starter ng koponan sa pangunguna ni Victor Wembanyama.

Sa pagtatapos ng 1st half, hawak na ng San Antonio ang 24 points na kalamangan. Dito ay ipinoste ni Wemby ang 14 points, 9 rebounds, at isang block.

Bagaman hindi na gaanong pinaglaro ang bigman sa ikalawang bahagi ng laban, nagawa niyang magposte ng double-double performance sa pagtatapos ng laban (19, 15, 2). Umabot lamang sa 26 mins. ang paglalaro ni Wemby sa ikalawang game.

Para sa Wolves, pawang inalat ang mga player nito kung saan lahat ng pangunahing scorer ng koponan ay pare-parehong kumamada ng tig-12 points, ang pinakamataas na individual points sa Minnesota.

Hawak ng Spurs ang bentahe sa lahat ng kategorya mula sa overall field goals, 3-pointers, paint area, at sa free throw line.

Sa defense, pinilit ng Spurs ang Wolves na gumawa ng 22 turnover sa kabuuan.

Kumamada rin ang San Antonio ng 29 fast break points habang tanging limang puntos lamang ang sagot ng Wolves.

Samantala, gaganapin na sa Minnesota ang susunod na Game 3 at 4 habang babalik sa San Antonio ang Game 5.