ROXAS CITY – Hinihintay sa ngayon ng Provincial Health Office (PHO) Capiz ang resulta ng confirmatory test sa specimen sample ng 51-anyos na lalaki na itinuturing na Person Under Investigation (PUI) matapos nakitaan ng ilang sintomas ng 2019 Novel Coronavirus Acute Respiratory Disease (nCoV-ARD).
Ito ang inihayag ng tagapagsalita ng PHO-Capiz na si Mr. Ayr Altavas sa panayam ng Bombo Radyo Roxas.
Nabatid na kaagad na isinailalim sa 14-day hospital quarantine ang hindi na pinangalanang lalaki na isang Filipino citizen na mayroong travel history sa Hongkong at Macau noong Enero 25 hanggang Enero 29, 2020 bago umuwi sa lalawigan.
Kasalukuyan umanong nasa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Alabang, Muntinlupa City ang specimen sample nito at kanila pang hinihintay ang resulta ng naturang eksaminasyon.
Nilinaw naman ni Altavas na ang mga (PUIs) ay ang mga indibidwal na may travel history sa mga bansang apektado ng naturang sakit partikular na sa China at mayroong mga sintomas katulad ng lagnat, ubo at sipon.
Habang ang mga Person Under Monitoring o (PUM) naman ay ang mga taong may travel history rin sa naturang bansa ngunit hindi nakitaan ng nasabing mga sintomas subali’t nararapat rin na sumailalim sa home quarantine.
Nanawagan naman ito sa publiko na manatiling kalmado ngunit maging alerto dahil ginagawa umano nila ang lahat upang hindi makapasok sa lalawigan ang naturang sakit.