-- Advertisements --
image 192

Bumuo na ng Special Investigation Task Group ang Philippine National Police para sa mas malalimang imbestigasyon nito hinggil sa pagkakasangkot ng ilang pulis sa ilegal na droga.

Ito nga ay matapos na maaresto ng mga operatiba ang ilan sa kanila mismong mga kabaro na dawit sa kaso ng ipinagbabawal na gamot dahilan para sabihin pa ng isang mambabatas na bumalik na raw muli ang tinatawag na “ninja cops” sa hanay ng kapulisan.

Bagay na kasalukuyan nang kinocoordinate ng pambansang pulisya sa nasabing mambabatas.

Kung maaalala, isa ang active intelligence officer ng PNP Drug Enforcement Group na si MSg. Rodolfo Mayo Jr. kasama ang dalawa pang suspek sa mga naaresto ng mga otoridad na nakuhaan pa ng mahigit 990 kilos ng shabu na may katumbas na Php6.7 billion na halaga.

Sa isang pahayag ay sinabi ni Philippine National Police Public Information Office chief PCol. Redrico Maranan na layon ng special investigation task group na masinsinang himayin ang mga impormasyon na kanilang nakalap ukol sa nasabing usapin.

Aniya, kabilang na rito ang pagbubusisi ng pulisya sa imbestigasyon kung papaano ba nasangkot si Mayo at mga kasamahan nito sa naturang kaso.

Dagdag pa ni Maranan, sa ngayon ay may ilang pulis na rin aniyang inalis si PNP chief Azurin sa drug enforcement group nito na kasalukuyan naman nang subject sa ginagawa nilang imbestigasyon.

Matatandaan na una nang ipinangako ni Philippine National Police chief PGen Rodolfo Azurin Jr. ang buong suporta ng buong hanay ng kapulisan sa kampanya ng pamahalaan kontra ilegal na droga, kasabay ng pagpapahayag na hinding hindi siya mag aatubili na agad tanggalin ang sinumang pulis na hindi magpapasakop at makikiisa dito.