-- Advertisements --

Binuo ngayon ang isang Special Investigation Task Group (SITG) upang tumulong na mapabilis ang imbestigasyon sa umano’y pagkidnap sa dalawang miyembro ng cause-oriented groups na sina Dyan Gumanao at Armand Dayoho.

Binubuo ito ng mga miyembro ng Cebu City Police Office (CCPO), Criminal Investigation and Detection Group-7, MARITIME Police, Philippine Coast Guard-7 at Police Regional Office-7.

Una ng pinabulaanan ng CCPO ang alegasyon nina Gumanao at Dayoho na tauhan ng pulisya ang dumukot sa kanila pagdating sa daungan nitong lungsod ng Cebu mula sa Cagayan de Oro City at sapilitang pinapasok sa isang sasakyan.

Nauna na ring ipinahayag ni Plt Col Theresa Macatangay, information officer ng CCPO na kung totoo man ang alegasyon ng dalawa ay sana makikipag-ugnayan ang mga ito sa otoridad dahil handa naman umano silang magbigay-seguridad at maaari pa silang isailalim sa witness protection program.

Tiniyak naman ng pulisya dito ang isang malaliman at transparency sa imbestigasyon.