Tiniyak ni Speaker Martin Romualdez na gagawing “top priority” ng Kamara ang panukalang 6.352 trillion pesos na pambansang pondo para sa susunod na taon sa pagbabalik ng sesyon.
Ito’y kasunod ng pag-apruba ni Pangulong Bongbong Marcos sa National Expenditure Program na mas mataas ng 10.1 percent kumpara sa kasalukuyang national budget.
Sinabi ni Romualdez na bukod sa naunang commitment na ipapasa ang nalalabing priority measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC, magdodoble-kayod ang Mababang Kapulungan para ipasa ang 2025 General Appropriations Bill bago ang break sa pagtatapos ng Setyembre.
Pagkatapos nito ay agad aniyang ita-transmit sa Senado ang GAB para sa kanilang konsiderasyon.
Gaya naman ng ipinangako, kinumpirma ni Romualdez na sisiguruhin ang sapat na pondo para sa eduksyon, agrikultura, modernisasyon at kapakanan ng Armed Forces, imprastraktura at ang legacy projects ni Pangulong Marcos.
Paliwanag nito, kailangang suportahan ang edukasyon, kalusugan, agrikultura, imprastraktura at depensa gayundin ang pagiging accessible at abot-kayang food products upang mapabilis ang kaunlaran sa bansa.
Bukod dito, binigyang-diin ng House Speaker na marapat ipagpatuloy ang pagtatayo ng mga kalsada, pantalan, school buildings at climate change-proof structures upang mapanatili at lalo pang sumigla ang ekonomiya.