Kinumpirma ni House Speaker Martin Romualdez na si presidential son na si William Vincent “Vinny” Marcos ay nagsisilbi ngayon bilang “intern” sa kaniyang opisina.
Ang kumpirmasyon ng lider ng Kamara ay kasunod ng ulat na si Vinny Marcos ay itinalaga bilang “Special Assistant of the Speaker.”
Batay sa inilabas na pahayag ng opisina ni Romualdez, si Vinny Marcos, ang pinakabatang anak ni Pres. Ferdinand Marcos Jr., ay sasailalim sa training para sa “legislative processes.”
Siya ay tuturuan ng iba’t ibang trabaho sa Mababang Kapulungan, kabilang dito ang papel at interaksyon ng mga komite at departamento sa proseso ng lehislasyon.
Gayundin sa “strategies” para makatulong sa mabilis na pagpasa sa mahahalagang House Bills at iba pang panukala, na makakatulong sa mga Pilipino.
Inaasahan namang si Speaker Romualdez mismo ang magsu-supervise at titingin sa training ni Vinny Marcos.
Si Vinny ay sasailalim sa training katulad ng ginawa noon sa kanyang kuya na si House Senior Deputy Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos.
Samantala, nilinaw ni House Minority Leader Marcelino Libanan ang pakikibahagi ng presidential son na si Vinny Marcos sa pulong ng Minority bloc kamakailan.
Ayon kay Libanan, inabisuhan sila na itinalaga si Vinny bilang special assistant to the Speaker.
Sinabi ni Libanan na mismong si Speaker ang humiling na i-brief o ipaliwanag sa presidential son kung ano ang papel at trabaho ng minority bloc sa Kamara.
Ayon kay Libanan, ipinapakita nito na bagamat may pagkakaiba sa pananaw ang minorya at mayorya ay maaari pa rin silang magkasundo.
Si Vinny ay dating nagtrabaho bilang software engineer sa Singapore bago bumalik sa Pilipinas upang tumulong sa kampanya ng kanyang ama noong 2022 National Elections.