-- Advertisements --

Nananawagan si House Speaker Martin Romualdez sa mga mambabatas mula sa Norte na tumulong sa pag-assess sa lawak ng pinsala ng magnitude 7 na lindol sa kani-kanilang lalawigan.

Ginawa ni Romualdez ang panawagan bilang paghahanda sa mga budget hearing ng sa gayon mailaan sa mga kaukulang ahensiya ng gobyerno ang repair and rehabilitation sa mga nasira ng lindol.

Siniguro ni Romualdez na susuportahan ng Kamara ang alokasyon ng pondo sa ilalim ng 2023 proposed national budget para sa rehabilitation and restoration ng mga public infrastructure.

Sinabi ni Romualdez, kailangan agad na maisumite ang assessment sa pinsala ng lindol para maisama sa National Expenditure Program o N-E-P ng Department of Budget and Management para sa 2023.

Batay sa proseso, isang buwan matapos ang SONA, isusumite ng DBM sa Kongreso ang N-E-P para masimulan na ang budget hearing ng iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno.

Aminado rin si Speaker Romualdez, ang Benguet at Abra ay kabilang sa may pinakamaliit na IRA kaya impossible na kayanin na balikatin ang pag pondo sa mga nasirang imprastraktura.