-- Advertisements --

Suportado ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang panukalang batas na naglalayong palakasin ang emergency response mechanisms at paigtingin ang representasyon ng mga Indigenous Peoples (IPs) sa pamahalaan upang masigurong hindi sila maiiwan sa panahon ng kalamidad.

Sinabi ni Speaker Dy na kailangan walang sinuman ang maiiwan lalo na ang indigenous community.

Nabatid kasi ng Speaker na sa ngayon wala pang tiyak na batas na nag-uutos ng isang nakatutok na quick response system para sa indigenous community.

Ayon kay Dy, ang mga komunidad na nasa malalayong lugar ay madalas na nakararanas ng pagkaantala sa pagtanggap ng relief at tulong mula sa gobyerno.

Bilang agarang hakbang habang inihahanda ang mga panukalang batas, iminungkahi ni Dy sa NCIP na simulan na ang pagtitipon at pagsasama-sama ng listahan ng pangalan at profile ng mga katutubo sa buong bansa upang isumite sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). 

Ang database na ito ang gagamitin ng mga ahensya upang mas mabilis na makilala at mabigyang-prayoridad ang mga IP beneficiaries sa panahon ng sakuna.

Bukod sa emergency response, tinalakay din sa pulong ang pangangailangan na palakasin ang mga mekanismo ng konsultasyon para sa mas malawak na representasyon ng mga katutubo sa pagbalangkas ng mga patakaran sa lokal at nasyonal na antas.

Binigyang-diin ni Dy na mahalagang bigyan ng mas malakas na boses ang mga katutubo sa mga desisyon ng pamahalaan na direktang nakaaapekto sa kanilang kapakanan, lupang ninuno, kultura, at kinabukasan.

Kasunod nito, muling iginiit ni Dy ang komitment ng Kamara sa pagsuporta sa mga hakbang na nagsusulong ng inklusyon, nagtatanggol sa mga bulnerableng komunidad, at nagpapatibay sa sistema ng paghahanda sa sakuna sa buong bansa.