-- Advertisements --

Nanawagan sina House Deputy Speaker Rep. Paolo Ortega at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong sa Senado na hayaang magpatuloy ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte upang maiharap ang lahat ng ebidensya at malaman ng publiko ang katotohanan.

Ayon kay Ortega, ang impeachment ay isang prosesong itinakda ng Konstitusyon upang masuri ang mga paratang laban sa matataas na opisyal ng pamahalaan sa pamamagitan ng ebidensya at due process.

Iginiit niya na ang anumang hakbang na pipigil sa paglilitis bago maiprisinta ang mga ebidensya ay mag-aalis sa mamamayan ng pagkakataong malaman ang buong katotohanan.

Sinabi rin ni Ortega na handa na ang House prosecution panel na iharap ang kaso sa Senado bilang impeachment court at igagalang nito ang magiging pasya ng hukuman batay sa batas at mga ebidensyang ihaharap.

Ayon naman kay Adiong, malinaw sa Konstitusyon na tungkulin ng Senado na litisin at pagdesisyunan ang mga kasong impeachment, kaya dapat munang maiharap ang mga ebidensya at mga testigo ng magkabilang panig.

Sinabi rin niya na kinilala na ng kampo ni Duterte ang hurisdiksyon ng impeachment court nang magsumite ito ng mga pleadings, kaya dapat nitong sagutin ang mga paratang sa halip na umasa sa mga teknikal na isyu.

Iginiit ni Adiong na sapat na ang pagkakasala sa kahit isang artikulo ng impeachment upang mapatalsik sa puwesto ang isang opisyal, alinsunod sa Konstitusyon.