-- Advertisements --

Kinuwestiyon ng ilang mga kongresista ang kredibilidad ng testigo na nakatakip ang mukha sa video na ipinakita ni Sen. Risa Hontiveros sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa mga biniling pandemic supplies ng pamahalaan.

Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, sinabi ni Krizle Mago ng Pharmally Pharmaceuticals Corp. na hindi nanumpa sa Senate probe ang testigo sa umano’y maanomalyang pandemic deals.

Ayon kay Deputy Speaker Rodante Marcoleta, kaya raw hindi nanumpa ang naturang witness dahil siya ay incognito.

Kung sa Kamara aniya ito, hindi nila tatanggapin ang testimonya ng isang indibidwal na ayaw namang magpakilala dahil ito ay inadmissable evidence.

Sang ayon naman dito si Zamboanga City 1st District Rep. Cesar “Jawo” Jimenez Jr. at iginiit na hindi kailangan itago ang pagkakakilanlan ng naturang testigo.

Sinabi ni Mago na hindi na niya makilala ang testigong ito sapagkat binago ang boses nito sa video at tinakpan din ang mukha nito.

Kamakailan lang, inakusahan ni Atty. Ferdinand Topacio si Hontiveros nang panunuhol sa isang warehouseman para siraan si Mago pati na ang Pharmally.

Mariing itinanggi naman ni Hontiveros ang akusasyon na ito sa pagsasabi na ang naturang witness ang lumapit sa kanila para tumestigo sa imbestigasyon.