Mariing kinondena ng ilang kongresista ang pagkakapaslang ng isang pulis mula Parañaque City sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac.
Sa isang staetement, nananawagan si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate sa mga awtoridad na itigil na ang walang habas na pamamaslang na ito.
Ito aniya ang nangyayari kung nagiging talamak ang “Kill, Kill, Kill culture” sa mga pulis at militar.
“This is the same system that also enabled this worsening state of impunity that is running amuck in our country today,” ani Zarate.
Patay ang mag-ina na sina Sonya Rufino Gregorio, 52, at Frank Anthony Rufino Gregorio, 25, matapos silang barilin ng suspek na si Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca, 46-anyos.
Ayon kay Zarate, hindi maikokonsidera bilang isolated incident ang pamamslang sa mag-inang Gregorio.
Ngayong taon lamang kasi ay nasa 13 iba pang insidente ng “police brutality” ang nangyari, kabilang na ang pagpatay kina Corporal Winston Ragos, sa aktibista na si Randall Echanis, at ang ginawang “hijacking” sa burol ng sanggol na anak ni Reina Nasino.
Para kay Bayan Muna party-list Representative Eufemia Cullamat, dapat maharap sa karampatang kaso si Nueza, at hindi dapat pabayan ang imbestigasyon sa kasong kinakaharap nito.
“Ginawa nang normal ng mga kapulisan ang mamaril ng mga sibilyan na hindi naman dapat barilin. Hindi dapat palampasin ng walang imbestigasyon at karampatang parusa sa kanilang mga karumaldumal na mga ginawa ang ganitong krimen tulad ng kay Cpl. Jonel Nuezca,” ani Cullamat.
Isinisisi naman ni ACT Teachers party-list Representative France Castro sa “shoot-to-kill” order ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pamamaslang ng mga pulis.