-- Advertisements --

Umaapela si House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda sa mga kapwa niya kongresista na kaagad aprubahan ang panukalang naglalayong bigyan ng dikuwento ang binabayarang buwis ng mga medical frontliners.

Sa kanyang sponsorship sa plenaryo ng Kamara para sa committee report sa House Bill No. 8259, sinabi ni Salceda ang “special exemption” na ito ay pagkilala na rin sa serbisyo ng mga medical frontliners lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Hindi aniya sapat ang COVID-19 special risk allowance at perang matatanggap ng mga ito kapag matamaan o mamatay dahil sa sakit sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act.

Sa ilalim ng kanyang inihaing panukala, sinabi ni Salceda na bibigyan ng 25 percent na discount ang buwis na babayaran ng mga medical frontliners para sa taxable year 2020.

Inaasahang aabot sa P2.3 billion ang mawawalang kita ng pamahalaan sa oras na maisabatas na ito.

Gayunman naniniwala si Salceda na maraming medical professionals ang mahihikayat na maging fronliners, na sakto rin kapag makarating na sa Pilipinas ang mga bakuna kontra COVID-19.

Para matiyak na hindi ito maabuso, sinabi ni Salceda na malinaw sa panukala na tanging ang mga medical frontliners na nagtatrabaho sa mga ospital, clinicts, o medical institutions, na gumagamot sa COVID-19 patients lamang ang makakakuha ng diskuwento sa buwis.

Hindi ito limitado sa mga doktor at nurses, dahil sakop dito ang iba pang medical frontliners gaya ng administrative employees, support personnel at staff ng mga medical institutions, na ayon sa Department of Finance ay aabot ng hanggang 270,619.